Saturday, February 11, 2012

Nancy Castiglione speaks up on Hayden-Vicki issue


Nagsalita na si Nancy Castiglione kaugnay sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa tila lumalabong relasyon ng magkasintahang Hayden Kho Jr. at Dra Vicki Belo.

Sa telephone interview sa Startalk TX nitong Sabado, inusisa ang mga host ng programa na sina Joey De Leon, Lolit Solis, Butch Francisco at Ricky Lo, si Nancy kung bakit tila lumalabas na “third party" siya sa relasyon nina Hayden at Vicki.

Pero paliwanag ni Nancy, wala siyang maipapaliwanag tungkol sa isyu dahil siya man ay hindi niya malaman kung bakit nakaladkad ang pangalan niya sa isyu.

Nilinaw din ng sexy actress-singer na mayroon siyang sariling pamilya at nagsasama pa sila ng kanyang mister. Katunayan, kasama raw niya ito sa pamimili habang isinasagawa ang panayam.

Handa naman daw siyang makipag-usap kina Hayden at Vicki para magkapaliwanagan. Nais din daw niyang malaman kung bakit siya nadadamay sa problema ng dalawa.

Aminado naman si Nancy na kaibigan niya si Hayden pero sa twitter lang daw sila nagkakaroon ng komunikasyon.

Pinabulaanan din ni Nancy ang nakarating na impormasyon kay Ricky Lo na may nakakita sa kanila (Nancy at Hayden) noong nakaraang taon na magkasukob sa jacket habang umuulan at papunta sa isang mall.

Sinabi ni Nancy marami siyang ginawa bilang asawa at ina, at maging sa kanyang career at wala siyang panahon para maglakad sa ulan gaya ng nakarating na impormasyon kay Ricky.

Aminado ang singer-actress na masama ang loob niya na nadadamay siya sa kontrobersiya na wala siyang kinalaman.



It’s over -- Vicki

Bago ang panayam kay Nancy sa telepono, ipinaalam muna ni Butch ang naging pag-uusap nila ni Vicki sa telepono.

Nanindigan daw si Dra Vicki na tapos na ang lahat tungkol sa kanila ni Hayden.

“It is over," bungad ni Butch tungkol sa sinabi umano sa kanya ni Vicki.

“Yes we have been fighting regarding Nancy. I think it’s true. I am letting him go so that they don’t have to be hiding anymore," patuloy na pagsipi ni Butch sa naging pahayag sa kanya ni Vicki.

Batid daw ni Vicki na mangyayari ito sa relasyon nila ni Hayden dahil mas bata ito sa kanya.

Bagaman nagmamahal daw sila, hindi naman daw ilusyuda ang kontrobersiyal na celebrity doctor na magiging panghabambuhay ang kanilang magsasama ni Hayden.

Nakiusap din umano si Vicki na huwag atakihin si Hayden dahil naging mabuti ito sa kanya. -- FRJimenez, GMA News

source:gmanetwork.com