Thursday, February 23, 2012

Nora Aunor returns Friday


Sa Biyernes, February 24, ala singko singkwenta'y singko ng umaga ang pagbabalik Pilipinas ng Superstar na si Nora Aunor mula sa halos isang buwan nitong pananatili sa Amerika.

Kinumpirma ni Boy Palma, manager ni Nora ang pagbabalik ni Ate Guy bukas via Philippine Airlines PR 103 flight mula sa Los Angeles, California.

"January 8 siya nu’ng umalis dito,tapos bukas balik na siya. Sasalubungin ko at ng mga taga-TV5," ayon kay Kuya Boy.

Nang tanungin namin at kumustahin tungkol sa diumano'y operasyon ng Superstar sa lalamunan na dahilan din ng pag-alis nito patungong U.S. ...

"I think walang operation or surgery na nangyari. Theraphy lang yata ang ginawa sa kanya sa Boston.

"Sana nga, makuha sa theraphy para hindi na dumaan sa operation. We're really hoping na makuha sa theraphy.

"Mukha namang may improvement, malalaman natin mismo pagdating niya bukas. Saka na lang siguro 'yung operation kung talagang di makuha sa theraphy," naging pahayag sa amin sa telepono ng manager ng Superstar.

August last year nang unang umuwi si Nora sa Pilipinas matapos ang ilang taon niyang pagkawala sa bansa. Noon niya ibinalita ang pagkasira ng kanyang boses at naging problema sa kanyang lalamunan bunga ng kanyang pagsailalim sa isang cosmetic surgery sa Japan.

Last year din pumirma ng three year exclusive contract si Ate Guy sa Kapatid Network kung saan gumawa siya ng teleserye, ang Sa Ngalan Ng Ina.

Sa kanyang pagbabalik-Pinas bukas, muli daw nitong haharapin ang kanyang mga commitment sa TV5.

"May naka-line up na teleserye at movie. Kung sinu-sino ang mga artistang makakasama niya, idi-discuss pa namin sa TV5," pagtatapos ni Boy, manager ni Nora.

source: interaksyon.com