
First time akong makaka-attend ng graduation ng college. Kahit sarili kong graduation ay hindi ako nakadalo. Nung panahon ko ay hindi ako naka-martsa sa entablado. Hindi rin ako naka-graduate on time.
Seven years after ko pa nakuha ang diploma ko, pero hindi na ako nag-martsa. Parang nakakahiya na. Kaya hanggang ngayon, ay masamang-masama ang loob ng aking ina dahil hindi kami nagkaroon ng Kodak moments. Pero wala nang Kodak ngayon. Kaya sinama ko na lang siya dito. Ayaw niyang maniwala na ako ang graduation speaker ng UP Mass Com.
Habang nagma-martsa sa PICC ang mga miyembro ng UST Arts and Letters batch 1995, kaming tatlo ng best friends ko ay naglalasing, nagdadalamhati na masisira na ang buhay namin.
Marami salamat sa imbitasyon. Kahit sa ‘min sa TV5 ay parang ayaw nilang maniwala.
“Bakit ikaw?” Yan din ang tanong ko. Busy siguro si Boy Abunda. Sabagay uso naman yata ang mga patawang graduation speech. Si Will Ferrell at si Sacha Baron Cohen ay inimbatahan ng Harvard nung 2003. Alam ko ang naiimbitahan sa ganito ay yung mga middle-age na may mga mahalaga nang naiambag sa lipunan at sa mass media— bukod sa pag-endorse ng isang brand ng alak at pagkakaroon ng billboard sa Edsa na may pekeng abs. Hindi rin naman masyadong nagkakalayo ang mga edad natin.
Para sa inyong lahat: walang sisihan. At para sa lahat ng mga aktibista dito, sana ay patapusin niyo muna akong magsalita bago kayo umakyat dito at magwagayway ng banderang “Serve the People” (Tingnan natin kung makakapag-serve the people pa rin kayo habang nagsusulat ng dialogue sa telenovela ni Aljur Albrenica sa susunod na taon).
Maraming salamat ulit.
source: interaksyon.com