Pinabulaanan ng pamilya Quizon ang kumakalat na text message na malubha na umano ang kalagayan ng kanilang ama na si Filipino comedy King Dolphy.
Sa ulat ni Rida Reyes para sa "Balitanghali" ng GMA News TV, itinanggi ni Eric Quizon, anak ni Dolphy at nagsilbing tagapagsalita ng pamilya, sa isang text message na malubha na umano ang lagay ng kanilang ama.
Ayon kay Eric, positibo pa rin ang pananaw ng kanilang pamilya na tuluyan nang gagaling ang kanilang ama.
Kasalakuyan pa ring nananatili si Dolphy sa loob ng Intensive Care Unit ng Makati Medical Center.
Ayon sa media affairs department ng ospital, nananatiling kritikal ngunit stable pa rin ang kalagayan ng comedy king. Stable na rin umano ang kanyang vital signs matapos ipagpatuloy ang kanyang dialysis noong Biyernes, ayon sa ulat.
Dagdag nito, patuloy pa ring ginagamot ang sakit na pneumonia ni Dolphy. Maayos naman umano ang pagtugon ng katawan ng beteranong aktor sa ginagawang paggamot sa kanya.
Samantala, nagpapasalamat naman ang pamilya Quizon sa mga nagdasal para sa kanilang ama.
Sakaling hindi pa rin makalabas ng ospital si Dolphy pagsapit ng kanyang ika-84 kaarawan sa Hulyo 25, sa ospital lang daw magsasalo-salo ang pamilya Quizon.
Noong nakaraang linggo, dapat ililipat na sa regular room si Dolphy ngunit naantala ang planong ito nang bumalik ang sakit niyang pneumonia. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News
source: gmanetwork.com