Friday, July 13, 2012
Gloria Romero emotionally recalls her 'wonderful times' with Dolphy
Agad na mababakas sa mukha ng beteranang aktres na si Gloria Romero ang lungkot at sakit sa pagpanaw ng kanyang “kumpadre" na si Dolphy.
Dumating si Gloria nitong Huwebes, Hulyo 12, sa Heritage Memorial Park sa Taguig City, bandang ala-sais ng gabi, at hindi kaagad na nagpaunlak ng panayam sa press.
Pagpasok sa viewing room, hindi na napigilan ng aktres na maluha nang makita ang pamilya ng Comedy King, at ang kabaong na pinaglalagakan ng mga labi nito.
Bago siya umuwi ay saka nagpaunlak ng maikling panayam si Gloria sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press.
Kanyang ibinahagi sa amin ang isang insidente kung saan nakita niya kung gaano kamahal ng Comedy King ang kanyang trabaho, at kung gaano niya kagustong maghatid ng saya sa bawat manonood.
“It’s like what he said one time, ‘Kapag ako’y ipanganak ulit, ang pipiliin ko, pag-aartista pa rin.’
“That’s how much he loves his job.
“Kaya kita n'yo naman, nagluluksa ang buong industriya sa pagkawala… sa pagpanaw niya."
THE BEST MEMORIES. Halos magkasabay na pumasok sa industriya ng showbiz sina Dolphy at Gloria.
Marami rin silang pinagsamahan na mga proyekto tulad na lamang ng Kurdapya (1954), Dalagang Ilocana (1954), Despatsadora (1955), Hindi Basta-Basta (1955), Hootsy Kootsy (1955), Vacacionista (1956), at Pagoda (1958).
Kahit pa raw gusto ni Gloria na dalawin si Dolphy sa ospital noon ay hindi niya ginawa, dahil ayaw niyang makita ito na mahina at walang sigla.
Kuwento ng veteran actress, “Alam mo, masayang-masaya ako in a way na nabisita pa namin si Pareng Dolphy no’ng bago pa siya na-ICU.
"Ako, si Marichu [Vera-Perez] at si Ms. Butch Anson-Roa, we went there to visit him.
“Nagtatawanan pa nga kami, nag-iistorya pa nga kami about the days ng Sampaguita—and that is my most memorable moment with him.
“Hindi ako nagpunta sa ICU, ayaw ko siyang makita na gano’n."
Ngunit bigla naman nagkaroon ng sigla at hindi nawala ang ngiti sa mga labi ng beteranang aktres habang ikinukuwento sa amin ang ilang alaala niya na kasama ang Hari ng Komedya.
“Oh, we have so many wonderful times together!" bulalas niya.
“Kasi I made more than a dozen movies that time.
“I call him my kumpadre kasi inaanak ko si Salud, and inaanak niya rin si Maritess.
“Si Dolphy kasi hindi ma-dialogue ‘yan, e, he has personalities one on the camera and one off [the camera].
“Kapag sinabi na ng ‘action’ ang director, ay, mame-mesmerize ka talaga.
“He’s such a great actor.
“He made people happy, he made people laugh, hindi mapantayan ang kanyang kagalingan sa comedy.
“At hindi lang alam ng mga kabataan that Dolphy, puwede mo ipares sa isang Hollywood actor, as one of the best dancers that we ever had.
“Tuwing mayro’n siyang dance sequence sa Sampaguita, lahat kami tumatakbo para panoorin namin siya.
“The memories I have with him is the fun we had together. When we made Hong Kong Holidays, sa Hong Kong talaga ‘yon.
“‘Yong mga dull moments namin, nagkukuwentuhan kami about life, and he doesn’t talk much about himself, we never heard him bragging or talking about his experience."
ALWAYS REMEMBERED. Tanging magaganda at masasayang salita at alaala ang namumutawi sa mga labi ni Gloria tungkol kay Dolphy.
At nang unti-unting bumabalik ang alaala niya kasama ang Hari ng Komedya ay hindi na mapigilan nito na mangilid ang kanyang mga luha.
Inilarawan niya si Dolphy na isang “sweet, lovable, sincere friend."
Pero ang pagiging “humble" daw ng kanyang kumpadre ang hinding-hindi matatawaran na katangian nito.
“Napaka-humble [niya]. Sana ‘yon ang pamarisan ng mga kabataan, na maging simpleng tao.
“That’s why he was loved by people, kasi madali siyang mahalin, e.
“In one word, he’s a gentleman."
Kaya naman ang mensahe ng pamamaalam ni Gloria sa kanyang katrabaho, kaibigan, at kumpadre: “I will miss him.
“Rest in peace, we all love you.
“We love him, as of now, goodbye, kumpadre." -- Joyce Jimenez, PEP
source: gmanetwork.com