Masayang nagdiwang si Alma Moreno ng kanyang ika-53 birthday sa Pool Bar ng Manila Pavillion Hotel nitong May 24.
Dumalo sa kanyang party ang mga malalapit nitong kaibigan, supporters sa pulitika, at mga anak.
Dito na rin niya ipinahayag ang desisyong tumakbo sa pagka-senador sa 2013 elections.
Sabi ni Alma, “Actually, pinag-isipan kong mabuti talaga kahit marami ang nagsasabi sa akin na, ‘Tumakbo ka kasi sa loob mo ‘yan, e.’
“Dinasal ko. Saka humingi talaga ako ng sign. After Holy Week lang ako talaga nagdesisyon.
“Ang sign, nawala ang kaba ko— nararamdaman mo naman yun, e. Yung kutob na hindi pa ako handa.
“Nagdadalawang-isip pa ako na, ‘Hindi pa ako handa, dito na lang ako.’
“Paggising ko, ‘eto na 'yan. Lahat na mga tao na nakausap ko, lahat kasi sila naka-back-up sa akin."
Masaya nitong ibinalita na susuportahan daw siya ng Philippine Councilors League (PCL).
Sa pagpapatuloy niya, “Lahat sa amin sa PCL, nakakausap ko. Kasi we’re 17,000 councilors [sa buong Pilipinas].
“Kaya sabi ko nga kung magtutulungan lang kami, di ba? Kasi kami sa PCL sobra kami magtulungan, magmahalan."
CONSULTING WITH FAMILY. Kasama rin daw sa pagdep-desisyon ang kanyang mga anak.
“Bago ako nagdeklara, kinausap ko na ang mga anak ko. Kasi kukunin ko muna siyempre yung ano [reaksiyon] ng mga anak ko, e, kung papayag sila.
“E, nakita ko yung suporta nila, yung worries nila. In-explain ko naman, ayun nakasuporta naman sila," ang pahayag ng pa ParaƱaque councilor.
“Nagulat sila. Ang reaksiyon nila, ‘Ang hirap n’yan, Mama, ang laki ng Pilipinas.’
“Sabi ko sa kanila, ‘Hindi n’yo ba naiisip na halos naikot ko na rin ang Pilipinas?’
“Ang kulang ko na lang na ipaalam ko sa mga kapwa ko konsehal na, ‘Malalayo na, yun na ang desisyon ko.’ Yun naman ang sabi nila noon, e."
Ang unang inaalala lang naman daw ng mga anak niya ay ang kalusugan ng dating aktres. Alam kasi nila ang hirap sa kampanya.
“Sabi ko naman, kung hindi naman ako magtatrabaho, kung hindi ko gagawin ang gusto kong gawin, kasi mundo ko na ‘to, e.
“Bata pa lang ako, sa tao na talaga ang mundo ko, e.
“‘Pag hininto ko ito, ‘pag wala akong ginagawa, magkakasakit ako lalo," ang sabi ni Alma sa mga anak.
POLITICAL SUPPORT. Nakausap na rin daw nito si Senator Bong Revilla na presidente ng Lakas-CMD, na partido rin ni Alma. Nangako raw ito sa kanya na all-out ang suporta ng buong partido.
Naging presidente ng Philippine Councilor’s League si Alma kaya’t alam niya ang kanyang pinasok.
Ang asawa nitong si Mayor Sultan Fahad “Pre" Salic ng Marawi City ay nakasuporta rin sa kanya.
Aniya, “Yun ang sobrang support sa akin. Nakasuporta sa akin yun, walang problema sa kanya.
“Lahat ng payo niya sa akin—sipag… huwag akong magkasakit."
ACADEMIC PURSUITS. Ipinagmamalaki rin niya na sa June 13 ay matatapos na niya ang kursong Political Science sa University of Makati, at baka kumuha rin siya ng master’s degree.
Dugtong ni Alma, “Basta ako tuluy-tuloy lang ang trabaho ko, ang pinakikita ko.
“Kung ano ang dapat kong gawin, gagawin ko.
“Kasi mas nilalagay ko sa tenga ko ang naririnig ko, kasi kung papansinin ko sila masisira lang ang diskarte ko, ang focus ko.
“So, sa akin ang totoo lang ang pinapakita ko.
“Sabi ko nga, ‘Bago n’yo naman ako husgaha, hayaan n’yo na muna ako, pagbigyan n’yo naman muna ako,’" pakiusap ni Alma. -- Gorgy Rula, PEP
source: gmanetwork.com