Saturday, November 4, 2017

Isabel Granada dies at 41


Pumanaw na si Isabel Granada pagkatapos ng halos dalawang linggong pagka-comatose dahil sa aneurysm.

Siya ay 41 years old.

Kinumpirma mismo ng mister niyang si Arnel Cowley ang malungkot na balitang ito, sa pamamagitan ng Facebook post, pasado alas-dose ng madaling-araw ngayong Linggo, November 5.

Pahayag ni Arnel, "It is with great sadness that my wife Isabel Granada has peacefully passed here in Doha Qatar.

"She has been a fantastic wife, mother and daughter.

"She always did her best in everything she did, whether it be in front of a camera or sports.

"I would also like to take this time to thank the Filipino community in Doha for giving their full support throughout this difficult time for myself and the family.

"Baby..wherever you might be..just always remember that I LOVE YOU. and I miss you very much."

Maging ang ex-husband ni Isabel na si Jericho Aguas ay naghayag din ng pagdadalamhati sa pagpanaw ng aktres.

Ayon sa Facebook post ni Jericho kagabi, November 4, "Malaki ang naging parte mo sa aking buhay..

"Binigyan mo ako ng isang gwapot matalinong anak, makulay ang 14 yrs nating pagsasama…

"Sa lahat… mula sa aking pusot kaluluwa.. maraming maraming salamat… pahinga ka na… paalam Isa…"

Ayon sa pinsan ni Isabel na si Joseph Rivera, binawian ng buhay ang aktres nitong Sabado, November 4, bandang 6 P.M. (Qatar time).

Isinugod at na-confine ang actress-singer sa Hamad General Hospital sa Doha, Qatar, matapos siyang biglang mag-collapse noong October 24.

Naulila ni Isabel ang kanyang mister na si Arnel Principe-Cowley, anak na si Hubert Thomas Jericho Granada Aguas, at ina na si Isabel "Mommy Guapa" Villarama.

Si Hubert, 14, ay anak ni Isabel kay Jericho.



FILM AND TV PROJECTS. Mahigit tatlong dekada ang inilagi ni Isabel sa showbiz industry.

Kabilang sa mga pelikulang ginawa ni Isabel noong bata pa siya ay ang mga sumusunod: Magchumikap Ka (1985), Bakit Madalas Ang Tibok ng Puso? (1987), Remember Me, Mama (1987), 1+1=12+1 (1987), Wanted Bata-Batuta (1998), Knock, Knock Who’s There? (1998), Kambal Tuko (1988), Regal Shocker The Movie (1989), Magic To Love (1989), Isang Araw Walang Diyos (1989).

Bilang teenager, kabilang sa mga pelikulang nilabasan ni Isabel ay: Papa’s Girl (1990), Lessons in Love (1990), Shake Rattle & Roll 2 (1990), Anak Ni Janice (1991), Umiyak Pati Langit (1991), Michael and Madonna 2 (1993), Chickboys (1994).

Madalas din siyang maging leading lady sa action movies noong mid-90s hanggang early 2000s.

Kabilang sa ginawang action films ni Isabel ay: Grepor Butch Belgica Story (1996), Resbak (1995), Pards (1995), Boy Chico: Hulihin Si Ben Tumbling (1997), Batang .45 (1999), Laban Kung Laban (2000), Anghel dela Guardia (2000), Eskort (2000), Masikip Na ang Mundo Mo, Labrador (2001), Aagos ang Dugo (2001), Kapitan Ambo: Outside de Kulambo (2001).

Nakagawa rin ng serious at sexy roles si Isabel, kagaya ng Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin (1997), Hubad Sa Ilalim ng Buwan (1999), at Halik ng Sirena (2001).

Sa mundo naman ng telebisyon, naging bahagi si Isabel ng sikat na youth-oriented show ng GMA Network na That’s Entertainment (1986-1996) ng yumaong Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno. Kabilang siya sa Tuesday group.

Marami rin siyang ginawang teleserye para sa GMA Network at ABS-CBN.

Sa Kapuso network, nakasama si Isabel sa cast ng Villa Quintana (1995-1997), Ikaw Na Sana (1997-1998), Pasan Ko ang Daigdig (2007), Zaido (2007), Kaputol ang Isang Awit (2008), Lalola (2008), Panday Kids (2010), Daldalita (2011), Cielo de Angelina (2012), The Half Sisters (2014), at Meant To Be (2017).

Sa Kapamilya network naman ay ginawa niya ang Sa Puso Ko Iingatan Ka (2001-2003) at Got To Believe (2013).

Ang mga huling acting projects ni Isabel ay para sa drama anthologies na Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN at Tadhana ng GMA-7.

source: pep.ph