Kasama raw ni Chynna na nanood ang kanyang pamilya.
Sabi ni Chynna, “I’m very happy sa film. Atsaka, nakita ko rin ang audience reaction kanina, yung mga estudyante, naapektuhan sila.
“So, yung gusto naming mangyari na ma-feel nila ang message ng film, feeling ko, naramdaman naman talaga nila."
Tinatalakay ng Migrante ang kalunus-lunos na sinapit ng ilang kababayan natin na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ano ang pinaka-nagustuhan niyang eksena niya sa pelikula?
“Alam niyo ako, parang it was never enough, yung ginagawa ko.
“Siguro yung eksena namin ni Jodi ang isa sa paborito ko at yung eksena namin ni Sir Jim [Pebanco] noong nahihirapan na siya, noong medyo padulo ng pelikula."
Ginagampanan ng Kapuso actress sa Migrante ang papel ni Edna, isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Israel na tumulong kay Frida (Jodi Sta. Maria).
CITED BY CEB. Isa si Chynna sa cast na na-cite ng Cinema Evaluation Board (CEB) na mahusay raw ang ipinakitang pagganap sa pelikula; kabilang din sina Jodi, Jim, at Allen Dizon.
Ano ang masasabi niya rito?
“Well, narinig ko nga rin yun na isa raw ang pangalan ko sa nabanggit. Siyempre, natuwa naman ako.
“Although, ako kasi yung tao na parang hindi talaga ako ever nasa-satisfy sa ginagawa ko.
“Noong marinig ko yun at napanood namin, sabi nila, siguro raw, yung nakita sa akin, yung pagiging support ko sa movie, yun talaga ang ginawa ko," sabi niya.
SHOOTING IN ISRAEL. Ang ilang mga eksena ng Migrante, na idinirek ni Joel Lamangan, ay kinunan sa Israel.
“Super fun!" bulalas ni Chynna nang kumustahin namin ang shooting nila.
“The fact that we went to Israel, malaking-malaking blessing na po sa aming lahat yun.
“Tapos nag-bond kami nang maigi—lahat ng co-actors ko.
“Parang new experience. Nagtutulungan talaga kami kasi maliit lang din ang crew namin.
“Masaya and I highly recommend na bumisita kayo sa Israel."
Patuloy niya, “I met a lot of OFW there. So, nakita ko ang plight nila, ang pinagdadaanan nila.
“At siyempre, aside from that, bonus na nakaikot kami sa Israel. Napuntahan ko yung mga places na nababasa lang natin sa Bibliya.
“So, parang isang malaking eye-opener yun for me.
“We went to Via Dolorosa, Dead Sea, Bethlehem… I saw the place where He [Jesus Christ] was born. And we also went to Jerusalem.
“We shot there for a couple of days and it’s a great experience for everybody."
KONTRABIDA ROLE. Ibang-iba naman ang karakter na ginampanan ni Chynna sa Migrante sa karakter na ginagampanan niya sa primetime series ng GMA-7 na Luna Blanca.
Sabi ng Kapuso actress, “Yes, isa siya sa mga rason kung bakit tinanggap ko rin ang pelikula.
“Makikita ng mga tao na hindi lang puro kontrabida ang kaya kong gawin. Puwede rin akong gumawa ng mga roles na kakaiba naman.
“So, I’m very thankful that they asked me to do this film.
“At matagal na akong hindi napapanood sa big screen kaya medyo ninenerbiyos din ako."
Natutuwa si Chynna dahil pagkatapos ng Migrante, may mga pelikula pa siyang gagawin—ang Basement ng GMA Films at Menor de Edad na si Joel Lamangan pa rin ang direktor. -- Rose Garcia, PEP
source: gmanetwork.com